For my second entry, I found this "bloggie" when i dig my "kalat sa desktop". I wrote this one a few years back.=====================================August 15, 2003
As usual, tuwing tanghali, nakasakay na naman ako ng jeep para pumasok sa trabaho. Lagi akong nagbibigay ng 2-hour allowance kasi apat na byahe ako bago makrating dun. Sa may Pritil, pinalad na naman akong makasakay dun sa mga jeep na di pumipila. Kasi inaabot ako ng siyam-siyam pag dun sa may tapat ng Puregold ako sumakay. Napansin ko sa may jeep na may dalawang babae na sobra lakas magkwentuhan. Nagkataon na sa tapat pa nila ako umupo, yung malapit sa may dulong babaan. Naintriga ako sa pinaguusapan nila kaya tahimik ko silang pinakinggan.
"Alam mo, kahit anong gawin mo, kasalanan pa rin yon. Madulas ka na sa kung madulas pero sigurado na mainit ka na rin sa pulis" sabi nun isang mas nakatatandang babae na ipagpalagay na nating Loring ang pangalan. "Pero maliit lang naman yun ginawa ko" pagtatangol nun kasama niya na tinawag ko na lang sa pangalang Minda.
Medyo nagsimulang lumakas yung usapan nila kaya yung ibang pasahero na kasakay namin e napatingin na rin. Kaya lang nun pinagmasdan ko ulit sina Loring at Minda, wala silang pakialam at patuloy na nag-usap.
May kinalalaman sa droga yung pinaguusapan nila. Di malinaw sa akin pro alam kong medyo kumplikado yung sitwasyon. Pero sa paraaan ng kanilang pag-uusap, parang ang mga bagay na ito ay pangkaraniwan na lang sa kanila at talagang inaasahang mangyari. Ganun daw talaga. Madaling pagkakitaan ang bawal lalo na kung hirap ka sa buhay. Madaling alternatibo sa pagkita ang mga bagay na di naayon sa batas. Ano ba naman daw ang kaso sa paggawa nun e marami naman daw ganun na tao. Di daw sila nag-iisa at sumasabay daw lang sila sa agos. Para bang nakikiuso.
"Malulusutan din ang lahat. Di ka na ba nasanay?" dagdag ni Aling Loring. "May mga bagay na nagagawa na sa panahon ngayon kahit na isipin mo na di ito nararapat." Ang tangi na lang daw nila magagawa ay wag mapatalo at makipagsabayan sa nagagawa ng iba upang di mag mukhang lalong kawawa.
Sa aking pakikinig, nalaman ko na hindi pala naniniwala si Aling Loring sa balita, lalo na sa mga dyaryo. Sabi nya, nababayaran daw ang mga reporter para di lumabas yun mga anomalya ng isang kilalang tao. Sinabi nya yun matapos nyang pagtawanan si Aling Minda nun sabuhin nyang bilib siya kay GMA. Napanood daw kasi ni Aling Minda sa TV na mabait daw si GMA kya iboboto nya ito kung tumakbo man ulit. Pingatawanan ni Aling Loring na manloloko lang ang media sa pamamgitan ng pagbibigay ng mga halimbawa.
Kilala daw niya yung isang kilalang druglord na isinapelikula na ang buhay. Totoo nga daw drug lord yon at totoong mayaman at maimpluwensya. Pero nun pinanood na niya yun pelikula, nagmukha pa daw itong isang hero sa kabila ng malaking pagkakasala at paglabag sa batas. "Hindi ba’t isang tuwirang pagsisinungaling yon?" ang malakas pa niyang pagkakasabi.
May isa pa daw. Yung isang congressman na dati e namimili ng boto. Bawat sobre na binigay nya kung saan nakasulat yung pangalan nito ay may kalakip na limangdaang piso. Syempre nga naman daw, sa isang taong gutom, tatanggapin yon. Limangdaan, wala kang mapupulot sa kalye na ganun kahit maghapon kang yumuko sa bawat kalyeng dadaanan mo sa buong Maynila.
Mas maniwala pa daw siya dun sa mga nagra-rally na pinangakuan nang matitirhan ng isang kandidato at binawi rin nung ito na ang umupo sa pwesto. Isa daw kasi siya dun sa libo-libonng naloko nung sinungaling na yon.
Bilib na bilib namang nakikinig sa sinasabi niya si Aling Minda. Nag advise pa nga ito sa kanya na ang tanging balita na pinapanood nya ay yun MGB. Tska yun daw kay Arnold… di pa nga siya sigurado kung tama yung pangalan na sinabi nya e. Basta yun daw yung palabas kung saan may mga taong kumakain ng alupihan.
Kaya daw nyang gawin yon. Basta kahit na anong pagkakakitaan. Yun naman daw ang dahilan kung bakit siya nabubuhay, ang kumita at magkaroon ng kahit konti na mapapakain sa sarili nya. Kaya nga daw di siya nagpamilya. Dahil ayaw nyang maranasan nila ang hirap na nararanasan nya ngayon.
Bigla na silang pumara nun asa may Abad Santos na sila. Napagsabihan pa niya si Aling Minda na daldal ito ng daldal kaya muntik na silang lumampas. Kaya iyon, nagmamdaling binitbit yung baso nilang plastik na may lamang yelo at pilit na sinimot yung konting tubig na natunaw mula don. Nauhaw siguro.
Sa pagbyahe ko nun tanghaling yun, may mga bagay akong natutunan. Ngayon ko napatunayan na lahat talaga tayo ay konektado sa isat’ isa at sa bawat bagay na ginagawa natin ay may kaakibat na epekto sa lahat, kahit dun sa di mo pinapansin at nakakasabay mo lang sa dyip. Yun mga taong pareho mo ang nararamdaman sa tuwing natratrapik ka at binubugahan ng usok ng mga dyip na nauunang umarangkada. Salamat dun sa dalawang naunang pumara na sayang nga lang at di ko na nakilala.